Photo courtesy of DPWH Regional Office-9
Natapos na ng Department of Public Works and Highways Region 9 (DPWH-9) ang pagkongkreto ng Siocon-Sirawai-Sibuco-Limpapa Coastal Road sa 4th district ng Zamboanga del Norte.
Ang proyekto ay may alokasyon na ₱17.5 milyon mula sa General Appropriations Act (GAA) 2023 at 2024.
Ang pagkongkreto ng 501 linear-meter coastal road ay pinangasiwaan ng DPWH-Zamboanga del Norte 4th District Engineering Office.
Ayon kay Engr. Cayamombao Dia, regional director ng DPWH-9, ang sementadong kalsada ay nagbibigay ng ligtas at maaliwalas na biyahe ng mga residente’t negosyante sa Triple SB o sa mga bayan ng Siocon, Sirawai, Sibuco at Baliguian, na pumupuntang Zamboanga City at Dipolog City.
Pinahusay din aniya ang connectivity at accessibility ng Triple SB sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Ang kalsada ay kumokonekta sa Triple SB sa Barangay Limpapa na sakop ng Zamboanga City.
Ayon kay Director Dia, ang road concreting ay nakatuon sa paglagay ng slope protection sa mga dahilig at kritikal na bahagi, at pagkukumpuni ng mga abutment para patatagin ang integridad ng istruktura, at matiyak ang tibay ng sinementong kalsada.
Bukod dito, pauunlarin din nito ang ekonomiya ng ikaapat na distrito, partikular na ang mga pamayanan na nasa liblib na mga kanayunan ng Triple SB. | ulat ni Lesty Cubol | RP Zamboanga