Tiniketan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 15 pampasaherong jeep na ilegal na nakaparada at humarang sa bahagi ng Connecticut Street sa kanto ng EDSA.
Ito ay kasabay ng kilos-protesta ng grupong Manibela sa ikatlong araw ng kanilang transport strike.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, bagaman nirerespeto ng pamahalaan ang karapatan sa malayang pagpapahayag, hindi dapat ito maging sagabal sa daloy ng trapiko at sa iba pang motorista.
Ang Connecticut Street ay bahagi ng Mabuhay Lanes na isang alternatibong ruta upang mapaluwag ang EDSA.
Nauna rito ay kinumpirma ni MMDA MMDA Special Operations Group Strike Force Head Gabriel Go na isang traffic enforcer nila ang kinuyog ng ilang miyembro ng Manibela habang isinasagawa ang operasyon.
Sa ngayon, natapos na ang aktibidad ngunit patuloy na mino-monitor ng Inter-Agency Task Force ang sitwasyon upang mapanatili ang kaayusan at nag-deploy ang Philippine National Police ng mga tauhan sa lugar. | ulat ni Diane Lear

