Hinikayat ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na muling makiisa sa ikinakasang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa March 13.
Ayon kay OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang Sta. Rosa City sa Laguna, sa ilalim ng Region 4A o CALABARZON ang siyang magiging sentro ng pagsasanay na may kinalaman sa malakas na lindol.
Bukod aniya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lalahok din dito ang pribadong sektor gaya ng Special Education Schools (SPED), Laguna Technohub, ANGKAS, at ang AFP Reserve Force.
Sinabi pa ni Nepomuceno na magsasagawa ng airflift ang rescue teams buhat sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) CALABARZON mula sa Batangas patungong Sta. Rosa City.
Asahan din aniya ang iba’t ibang scenario gaya ng Jail Break, Crashed Vehicle Extrication & Rescue, at Evacuation ng mga mag-aaral na may learning difficulties.
Pero bago ito, magsasagawa muna ng isang Communication Exercise at pagaganahin na rin ang Emergency Operations Center (EOC) upang matutukan ang ibayong ugnayan. | ulat ni Jaymark Dagala