Naging matagumpay ang joint maritime patrol ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, isinagawa ito noong Marso 23 hanggang 25 na may layuning bigyang seguridad ang mga mangingisdang Pilipino na nangingisda sa Bajo de Masinloc.
Maliban dito, nahatiran rin ng fuel subsidy at iba pang supplies ang mga mangingisda.
Sa kabila ng panghaharas ng China, kung saan sakay ng mga inflatable boat ang kanilang tauhan at tinataboy ang mga mangingisdang Pilipino upang hindi makalapit sa mga BFAR vessel, nanatili silang matatag.
Sinabi ni Tarriela na hindi ito nakapagpigil sa mga mangingisdang Pilipino, na patuloy pa ring nangingisda sa Bajo de Masinloc. | ulat ni DK Zarate