Simula kaninang ala-una ng madaling araw ay nadaraanan na ang lahat ng lanes sa North Luzon Expressway (NLEX) Marilao Northbound.
Ayon sa NLEX, mas maaga ito sa naunang deadline na March 31 dahil sa pinabilis na pagkukumpuni, kung saan 24/7 na nagtrabaho ang mga repair teams, kasabay ng maagang pagdating ng fabricated steel na kinakailangan sa tulay.
Bagama’t bukas na ang lahat ng lanes, mananatili naman umano ang mga steel poles para sa curing ng kongkreto sa tulay.
Dahil dito, inaasahan ng pamunuan ng NLEX na unti-unti nang babalik sa normal ang daloy ng trapiko sa Marilao Northbound sa mga susunod na araw.
Matatandaang noong March 19, nasira ang Marilao Bridge matapos banggain ng isang trak. | ulat ni Merry Ann Bastasa