Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tinanggal na nila ang 45-day limit sa lahat ng ibinibigay nilang benepisyo.
Ayon kay PhilHealth President at CEO, Dr. Edwin Mercado, ito ay alinsunod na rin sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging tuloy-tuloy ang serbisyo ng pangunahing State Insurer.
Ayon kay Dr. Mercado, ang paglilimita sa benepisyo ay lumang paraan upang makontrol ang gastos kaya’t napapanahon na upang magkaroon ng reporma rito.
Binigyang-diin pa niya na marami sa mga serbisyo ang mangangailangan ng mahigit 45-araw kaya’t kanilang hiniling sa PhilHealth Board na magsagawa ng pag-amiyenda rito na pinagbigyan naman. | ulat ni Jaymark Dagala