Namahagi ng mobile phones ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Navotas at Malabon.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian katuwang sina G-Xchange Inc. Pres. Oscar Enrico Reyes Jr., Globe Telecom Deputy CEO Carl Cruz ang pamamahagi ng 51 smart phones sa mga benepisyaryo sa Navotas Sports Complex.
Bahagi ito ng digital financial initiative ng DSWD, na layong palakasin ang kaalaman ng benepisyaryo ng 4Ps sa Digital Financial Literacy, at mga paraan para matanggap ang kanilang cash grants sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines, GCash, o Maya.
Ang mobile phones ay ini-sponsor ng private partners ng DSWD.
Sa pamamagitan nito ay magiging madali at mabilis na para sa mga benepisyaryo ang pag-access sa mga digital financial services gayundin ang pagtanggap ng kanilang cash grants sa tulong ng e-wallet.
Lubos namang ikinatuwa ng mga benepisyaryo na gaya ni Nanay Genilyn ang natanggap na smartphoes. Aniya, hindi na siya magkukumahog pang pumila sa bangko para makuha ang cash grants.
Target naman ng DSWD na mabigyan ng mobile devices ang 32,684 na 4Ps households sa buong bansa, kung saan gagawing prayoridad ang mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). | ulat ni Merry Ann Bastasa