Pabor ang mayorya ng mga Pilipino na dapat panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extra-judicial killings na may kaugnayan sa “war on drugs,” ayon yan sa survey ng Social Weather Stations.
Batay sa resulta ng survey na isinagawa mula February 15-19, 51% ng respondents ang nagsabing dapat may pananagutan ang dating Pangulo sa mga pagpatay dahil sa mga operasyon sa iligal na droga ng kanyang administrasyon.
Nasa 14% naman ang hindi makapagdesisyon, 25% ang hindi sang-ayon at habang 10% ang nagsabing wala silang sapat na kaalaman upang magbigay ng opinyon.
Nangunguna naman ang Visayas Region sa may pinakamalaking bilang ng respondents na pabor sa pagpapanagot kay Duterte na umabot sa 62%.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 rehistradong botanteng Pilipino. | ulat ni Merry Ann Bastasa