Sinampahan ng reklamo ni Ombudsman Samuel Martires sa Judicial Integrity Board ng Korte Suprema ang pitong Associate Justices ng Court of Appeals (CA).
Kabilang sa mga isinampang reklamo ang gross ignorance of the law at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ang mga inireklamong CA Associate Justices ay sina:
Louis Acosta
Marlene Gonzales-Sison
Rex Bernardo Pascual
Mary Charlene Hernandez-Azura
Roberto Quiroz
Rafael Antonio Santos
Ferdinand Baylon
Sa kanyang joint complaint affidavit, iginiit ni Martires na hindi sinunod ng associate justices ang tamang proseso sa pagpapasya sa inihaing petition for certiorari ng ilang pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Martires, dapat ay certified true copy ang isinumiteng kopya ng Ombudsman order na kinuwestyon sa CA. Gayunman, photocopies lamang ang ipinasa ng mga naghain ng petisyon.
Sa kabila nito, nagpalabas pa rin ng temporary restraining order (TRO) ang CA laban sa ilang preventive suspension order ng Ombudsman.
Dagdag pa ni Martires, naglabas din ng TRO ang ilang associate justices kahit natapos nang ipatupad ang preventive suspension. May kaso rin umano kung saan pinagbigyan ang TRO kahit hindi pa naghahain ng motion for reconsideration ang petitioner at dumiretso agad sa CA. | ulat ni Diane Lear