Inaasahan ng pamahalaan na makatutulong sa 90,000 motorista araw-araw ang pagtatapos ng mga natitirang bahagi ng CALAX, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang inspeksyong pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Silang, Cavite.
Sa kasalukuyan, 45,000 sasakyan ang gumagamit ng CALAX kada araw. Ngunit sa sandaling matapos ang 8.64-kilometrong Subsection 3 at iba pang bahagi ng proyekto, inaasahang dodoble ito sa 90,000 sasakyan.
Ang Subsection 3, na kasalukuyang nasa 44 porsyento ng konstruksiyon, ang magkokonekta sa Silang (Aguinaldo) Interchange at magiging pinakamahabang operational segment ng CALAX.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, tuloy-tuloy pa rin ang right-of-way acquisition sa Cavite upang mapabilis ang trabaho sa proyekto.
Target ng gobyerno na matapos ito upang higit pang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa
Cavite at Laguna at makapaghatid ng mas mabilis na biyahe para sa mga biyaherong makikinabang dito araw-araw. | ulat ni EJ Lazaro