Nakatakdang ilunsad ngayong araw ng DOST-PHIVOLCS ang Central Digos Fault Atlas na isang ‘active fault atlas’ para sa Mindanao.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), layon nitong mapalawak ang kaalaman ng publiko sa active fault sa rehiyon para mabawasan ang epekto sa mga komunidad sakaling may malakas na pagyanig.
Ang naturang Atlas ay naglalaman ng mga high-resolution na mapa ng aktibong fault, na nagpapakita ng mga lugar sa Digos City na tinatahak ng Central Digos Fault (CDF) kabilang ang mga gusali at imprastrukturang maaaring maapektuhan ng ‘ground rupture hazard’.
Nakabatay ito sa isinagawang fault mapping ng DOST-PHIVOLCS SIGMA Project.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito C. Bacolcol, ang naturang atlas ay inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng mga LGU, at mga residente sa Digos City na mapaghandaan ang mga panganib na dulot ng lindol.
Inaasahan ding magagamit ang Central Digos Fault Atlas bilang gabay sa land use planning, zoning ordinance formulation, at disaster risk reduction. | ulat ni Merry Ann Bastasa