Sang-ayon ang Malacañang na hindi dapat kinakaladkad sa usaping pampolitika ang mga sundalo at pulis.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro makaraang punahin ni Senate President Chiz Escudero ang tila pattern sa pag-apela ng pamilya Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa anumang isyu o kaganapan.
Ayon sa opisyal, mayroong punto ang senador, dahil mali na tawagin ang militar at pulis para lamang pagbigyan ang kahilingan ng isang partikular na tao o pamilya.
“Tama naman po. The public servant should be apolitical. They should not be dragged over these personal issues, especially of the Dutertes. Tama po si SP Chiz Escudero, hindi po natin dapat kalampagin, laging tawagin ang militar, ang mga kapulisan para lamang pagbigyan ang kahilingan ng isang partikular na tao o isang partikular na pamilya.” —Usec Castro.
Pagbibigay-diin ni Usec Castro, dapat walang kinikilingan ang AFP at PNP.
Aniya, ang mga sundalo at pulis ay para sa mga Pilipino at hindi para sa mga Duterte lamang.
“Ang militar po, ang kasundaluhan, ang kapulisan po natin ay para sa bayan, hindi para po sa pamilya Duterte lamang.” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan