Nagpahayag ng kahandaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang alalayan ang mga maiistranded na pasahero sa ikalawang araw ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, nakaantabay lamang ang kanilang mga asset upang tumulong sakaling kailanganing mag-alok ng libreng sakay.
Sa katunayan, sinabi ni Padilla na nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Transportation (DOTr) para sa anumang assistance na kanilang maibibigay.
Pangunahin aniya nilang layunin ay ang kaligtasan at mobility ng publiko kaya’t susuporta sila sa anumang hakbangin para ibsan ang epektong dulot ng tigil-pasada. | ulat ni Jaymark Dagala