Binigyan ng Commission on Elections (COMELEC) ng exemption mula sa spending ban ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP at iba pang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ang kinumpirma ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia matapos isumite ng DSWD, National Economic and Development Authority (NEDA), at iba pang sangay ng pamahalaan ang guidelines ng pamamahagi nito.
Nakasaad sa inilabas na memorandum ng komisyon, na dapat ay present ang election officer ng munisipalidad sa magiging pamamahagi ng mga programa, at hindi rin saklaw ng exemption ang spending ban mula May 2 hanggang May 12, 2025, sampung araw bago ang halalan.
Hindi rin papayagan ang mga kandidato sa mismong araw at lugar ng pamamahagi ng ayuda.
Una ng hiningi ng DSWD sa COMELEC na mabigyan ng election ban exemption ang mga ayuda tulad ng AKAP, AICS at mga financial assistance, dahil nababalam umano ang iniaabot na tulong ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino. | ulat ni Michael Rogas