

Maaaring pareho ang dinaanan nina Alice Guo o Guo Hua Ping at Atty. Harry Roque sa paglabas ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado na, base sa kanilang imbestigasyon, mukhang pareho silang dumaan sa backdoor exit sa Tawi-Tawi upang makalabas ng bansa.
Binahagi ni Viado na namataan si Roque sa Tawi-Tawi noong Setyembre 2, 2024, at nakarating sa United Arab Emirates (UAE) noong Setyembre 4, 2024.
Dahil wala aniyang recorded departure si Roque sa mga tala ng BI, posible umanong pareho ang rutang dinaanan nila ni Guo upang makapuslit.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng mga ilegal na aktibidad na iniuugnay sa mga POGO. Mayroon din siyang standing warrant of arrest mula sa Kamara. | ulat ni Nimfa Asuncion