Kumpiyansa pa rin ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidates na malakas pa rin ang kanilang laban para sa papalapit na eleksyon sa kabila ng ingay ng politika.
Sa pulong balitaan sa Trece Martires, Cavite, binigyang-diin ni Alyansa campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco na ang pinakamalaking bentahe ng mga kandidato ng administrasyon ay ang kanilang pagiging kaisa sa pagsusulong ng mga polisiya at programa ng administrasyong Marcos Jr. upang mapanatili ang development agenda ng gobyerno.
Dahil mayroon pang tatlong taon sa termino si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mahalaga aniya na magkaroon siya ng mga kakamping senador upang maipagpatuloy ang momentum sa infrastructure at regional development.
“Kung ano po ang advantage ng pagiging Alyansa? May advantage. Alam naman natin na may tatlong taon pa si President Bongbong Marcos. Katulad ng ginawa niya rito, pinuntahan niya ang mga proyektong napakahalaga—‘yung CALAX (Cavite-Laguna Expressway). At alam naman natin na hindi naman diyan nagtatapos ang mga proyekto, kaya marami pang proyekto ang nasa pipeline,” saad niya.
Sa ganitong perspektibo aniya dapat tingnan ng mga Pilipino kung bakit nila dapat iboto ang pambato ng administrasyon at hindi base lamang sa kulay o partidong kinabibilangan nila.
“Para matuloy ang mga napakagagandang proyektong ito, napakahalaga na ‘yung legislative agenda niya ay masuportahan ng mga kasamahan nating senador. Kung titingnan ng ating mga kababayan ‘yang bagay na ‘yan sa ganitong perspektibo, maniniwala sila na talagang importante na masuportahan ang Alyansa,” dagdag pa niya.
Sinang-ayunan ito ni Alyansa senatorial candidate at former Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Binigyang-diin niya na ang mahalagang tanong ay kung makakatulong ba sila sa bansa o hindi.
Samantala, inamin naman ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson na noong una ay nagdadalawang-isip siya kung tatakbo muli, ngunit nang makita niyang tugma ang kanyang mga adbokasiya sa isinusulong ng administrasyon, napagdesisyunan niyang ituloy ang kandidatura.
“Nakikita ko ‘yung alignment ng aking matagal nang advocacies doon sa ginagawa ni Pangulong Bongbong, partikular sa budget. Ibaba natin ang biyaya ng national budget sa mga local government units—at ‘yun nga ang talagang ginagawa niya,” saad ni Lacson. Ngayong araw naman ay sa Sta. Rosa, Laguna dadayo ang Alyansa. | ulat ni Kathleen Forbes