Pinaghahandaan na rin ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pagsisimula ng local campaign.
Sa pulong balitaan sa Sta. Rosa Laguna, ibinahagi ni Alyansa campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco na pag-uusapan ng nila kung paano aayusin ang schedule ng kanilang senatorial candidates para makapangampanya rin sila sa lokal na lebel.
“That is why before the formal start of the local campaign we will meet again para tignan kung papaano babalansehin ‘yong kampanya namin doon sa kampanya nung mga local candidates na ka-alyansa natin,” ani Tiangco.
Giit niya, marami na ring imbitasyon ang kanilang mga pambato sa senado mula sa mga lokal na pamahalaan at Magandang oportunidad aniya ito para mas makapangampanya pa sila sa lokal na lebel.
“kanina we are discussing it with our candidates marami po kasi silang imbitasyon sa local rally syempre kung ka-Alyansa nila ‘yon they will have to fit it in to their schedule… alam naman natin ‘yong local campaign is a grassroot campaign ‘no so napakahalaga din na malaman hanggang sa ating mga kababayan kung ano ‘yong magandang plataporma nung bawat kandidato.” Dagdag ni Tiangco.
Kasabay naman nito ay nilinaw ni Tiangco na walang paguusap sa Alyansa para bitiwan na si Sen. Imee Marcos maging si Deputy Speaker Camille Villar.
“Wala pong pinag-uusapan so far yung Alyansa pati yung Nacionalista regarding doon sa future nila sa slate?” tanong sa pulong balitaan
Tugon ni Tiangco, “Wala po. Wala.”
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Sen. Marcos na naiilang na siyang sumama sa kampanya ng Alyansa matapos arestuhin si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Kapwa miyembro ng Nacionalista Party si Villar at Marcos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes