Target makuha ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang suporta ng mga Caviteño sa idaraos na malakihang campaign rally ngayong araw sa Trece Martires, kasama mismo ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang Cavite ang may pinakamalaking voting population na may 2,447,362 na rehistradong botante, kaya naman kritikal na campaign stop ito ng ‘Alyansa.’
Katunayan, sa nagdaang 2022 polls, nakakuha si PBBM ng 1,121,108 boto sa probinsiya.
Bukod dito, nakikita rin bilang hometown advantage ng koalisyon ang lalawigan dahil sa tatlo sa senatorial bets ng ‘Alyansa’ ay ‘anak ng Cavite’ kabilang sina reelectionist Senators Ramon “Bong” Revilla Jr. (Bacoor), Francis “Tol” Tolentino (Tagaytay), at former Senator Panfilo “Ping” Lacson (Imus).
Binigyang-diin ni Navotas City Representative Toby Tiangco, campaign manager ng koalisyon, na napakahalaga ng suporta na magmumula sa mga botante ng Cavite para makamit ang tagumpay sa isang national election.
“Palaging nagsisilbing driving force sa isang national election ang Cavite, pupunta rito ang ‘Alyansa’ nang may malakas na lineup at nakaka-intindi sa pulso ng mga taga-Cavite…Naniniwala kami na buo ang suportang ibibigay ng mga Caviteño sa ’Alyansa,” ani Tiangco.
Samantala, hirit naman ng isa sa House leaders na iboto ang Alyansa bets hindi dahil para sa nakaambang na impeachment trial.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, nais nila manalo ang senatorial bets ng administrasyon dahil sa kanilang pagiging batikang mga mambabatas at kanilang maitutulong sa pagpapaganda pa ng sitwasyon ng Pilipinas.
“Sana hindi ho natin ilalagay sa anggulo ng impeachment kung bakit gusto nating manalo itong mga senador you know these are… seasoned, veteran, legislators na po, karamihan sa kanila, at ang Presidente at yong coalition ng partido ‘yong Alyansa [para sa] ng [Bagong] Pilipinas, lalo na ang Presidente he thinks these are the people… if ever granted that they will be sitting there as one of… as senators ito yong makakatulong sa kaniyang mga agenda ekonomiya ang dami pong… plataporma at priorities ang ating national government,” saad ni Adiong.
Ang Cavite ang ika-10 stop ng serye ng kampanya ng Alyansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes