Nangako ang mga pambato ng administrasyon sa Senado sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na isusulong ang pagiging ganap na batas ng National Land Use Act.
Sa pangangampanya ng Alyansa sa Cavite at Laguna, natanong sila kung ano ang magiging tugon nila sa lumiliit na bilang ng agricultural lands sa lalawigan dahil sa pagtatayo ng mga negosyo o subdivision.
Tugon ni dating DILG secretary at senatorial candidate Benhur Abalos, makaka-asa sila na isa siya sa mga unang boboto pabor sa pagsasabatas ng National Land Use Act, dahil nakasalalay din aniya dito ang food security ng bansa.
Paalala niya, na kung maubos ang sakahang lupa ay magkaka problema sa presyo ng batayang pagkain gaya na lang ng bigas.
At dahil sa bilis ng pag-unlad ay nauubos din ang mga palayan.
“Importante ang food security sa ating bansa damang dama natin ang issue ay presyo ng bigas, ang presyo ng palay at ang issue nitong itong klase na nangyayari sa ating mga palayan ay hindi lang nangyayari sa Laguna ito ay nangyayari sa buong Pilipinas. This is about food. This is about life. This is about our future. Without food sustainability, we put our future at risk,” ani Abalos.
Umapela rin si Abalos sa mga lokal na pamahalaan, na agad kumilos sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo sa mga may-ari ng lupa upang mapanatili ang mga lupang pang-agrikultura gaya na lang din ng pinababang amilyar.
“What we could do is provide incentives at the local level so that landowners would think twice before selling their land. If you give them incentives not to sell, and on top of that, offer them property tax discounts,” saad nito.
Sinegundahan it oni ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo.
Aniya, dahil sa kulang ang suporta sa mga magsasaka ay napipilitan silang ibenta ang kanilang mga lupain kahit binabarat sila.
At habang nagpapatuloy aniya ito ay ang kasapatan ng pagkain sa bansa ang maaapektuhan.
“Habang hindi naipapasa ang National Land Use Act, asahan na po natin liliit ng liliit ang ating agricultural areas. Liliit ho ‘yan kasi inaabuso no’ng mga buyer ng lupa, binabarat ‘yong mga farmers. ‘Yong mga farmers naman dahil wala kinikita masyado, walang suporta mula sa national government, mga subsidiya, kaya no choice siya kung hindi ibenta ang lupa niya para gawing subdivision, gawing ika-nga industrial. Ang magsa-suffer later on ay ‘yong ating pagkain,” sabi ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Forbes