Mariing kinondena ni dating DILG Secretary at Alyansa senatorial bet Benhur Abalos ang pagpatay sa 23-anyos na Slovak national sa Boracay Island, Aklan.
Sa isang panayam, sinabi ni Abalos na nangako sa kanya si Police Regional Office 6 Chief Jack Wanky na walang palalampasing detalye upang matiyak na mahuli at mapanagot ang nasa likod ng krimen.
“I’ve learned of this incident in Boracay, and I condemn it in the strongest terms. I want to assure the public, especially the international community, that it is a very isolated case,” saad ni Abalos.
Pinasiguro rin ng dating DILG chief, lalo na sa mga turista, na isa itong isolated case at nananatiling ligtas ang Pilipinas.
Ito rin, aniya, ang unang beses na nangyari ito sa isang turista sa naturang isla.
“Just to reiterate, talagang very isolated ito, and right now, the police are on top of this. Wala pa ho silang tulog at talagang ginagawa po nila ang lahat para masolusyunan ito the soonest. Again, safe po ang Pilipinas, lalo na ang Boracay. Ngayon lang nangyari ito in so many years,” diin niya.
Sinabi rin niya na mahigpit na nakatutok ang kapulisan sa imbestigasyon.
“All that I can tell you is the police are on top of this. One thing I can assure you, from Day 1, very thorough ang investigation nito. Hindi natutulog ang kapulisan, at mukhang maganda naman ang patutunguhan ng imbestigasyon,” pagbabahagi niya.
Natagpuan ang labi ni Michaela Mickova sa loob ng isang abandonadong kapilya sa Zone 3, Barangay Balabag, bayan ng Malay, bandang alas-2 ng hapon noong Marso 12—dalawang araw matapos siyang i-report na nawawala ng isang kaibigang Pilipina. | ulat ni Kathleen Forbes