Kasabay ng pagsisimula ng local campaign period ay bumuhos din ang suporta ng mga lokal na opisyal para sa pambato ng administrasyon sa Senado sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Sa Cebu, personal na inendorso ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia si dating DILG Sec. Benhur Abalos, dating Sen. Manny Pacquiao, Senator Bong Revilla, at Senator Francis Tolentino.
Binigyang diin ni Abalos na gaya ng hangarin ng Alyansa na maipagpatuloy ang adhikain ng Marcos Jr. administration, mahalaga rin na maipagpatuloy ang epektibong pamumuno sa Cebu para sa patuloy nitong pag-unlad.
Bago sa Cebu ay nakakuha na rin ng suporta si Abalos mula sa mga alkalde at opisyal ng Albay.
Maging si dating Senador Ping Lacson, nakakuha rin ng pag-endorso mula sa lokal na opisyal sa kaniyang home province sa Cavite.
Kinilala ni General Mariano Alvarez Mayor Maricel Torress ang paglaban ni Lacson para sa angkop na budget ng mga LGU sa ilalim ng kaniyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Nakakuha na rin ng suporta si Deputy Speaker Camille Villar mula sa local chief executives ng Pampanga, Malabon at Caloocan para sa kaniyang senatorial bid sa ilalim ng Alyansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes