Inatasan na ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang Intelligence and Investigation Division, na magkasa ng malalimang imbestigasyon sa nangyaring road rage shooting sa Antipolo.
Ayon sa LTO, layon ng imbestigasyon na matukoy kung ano ang naging sanhi ng alitan na naiuwi sa insidente ng pamamaril.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang resulta ng imbestigasyon ang magsisilbing batayan ng aksyon ng LTO kabilang ang posibilidad ng pagbawi ng lisensya ng driver.
Kaugnay nito, naglabas na rin ng show cause order (SCO) ang LTO laban sa SUV driver at tatlong motorcycle riders na sangkot sa insidente bilang bahagi ng imbestigasyon.
Sa SCO na inilabas laban sa SUV driver at isa sa motorcycle riders, nakasaad na suspendido ang kanilang driver’s license sa loob ng 90 araw habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, at inilagay sa alarma ang SUV at motorsiklo.
Muli namang nagpaalala ang LTO sa mga motorista na maging maingat, maging responsible at magbaon ng mahabang pasensya kapag nasa kalsada.
“Nakakalungkot ang ganitong pangyayari na hindi na natin binibigyan ng dignidad ang ating mga sarili, na talo pa natin ang mga bata na magsusuntukan agad sa gitna ng kalsada dahil sa bagay na puwede namang pag-pasensyahan,” Asec. Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa