Nakatakdang pangunahan ng Pilipinas ang pagdiriwang ng ASEAN Social Work Day 2025 sa March 25, 2025 na kikilala sa mahalagang papel ng mga social worker, para mapatatag ang bawat komunidad sa harap ng mga kalamidad, at sakuna.
Pangangasiwaan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang itinalagang pinuno ng Philippine Senior Officials Meeting on Social Welfare and Development (SOMSWD) at inaasahang dadaluhan ng mga miyembrong estado ng ASEAN at mga katuwang sa pag-unlad, sa pakikipagtulungan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mahalagang bigyang pugay ang pagsisikap ng mga social worker sa pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa mga pamilyang apektado ng kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha, at iba pang emerhensiya.
Ang tema naman ng pagdiriwang ay “Recognizing the Vital Role of Social Workers in DRRCR,” na naglalayong ipakita ang mahalagang papel ng mga social worker bilang unang tumutugon sa mga natural at gawang-taong sakuna.
Kasama naman sa tampok sa ASEAN Social Work Day ang paglulunsad ng Regional Guidance na layong itaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa papel ng mga social worker, at palakasin ang institusyonal na suporta para matiyak na may sapat na kakayahan ang mga social worker sa pagharap sa mas kumplikadong mga sitwasyon ng sakuna. | ulat ni Merry Ann Bastasa