Idadaan sa public raffle ng Quezon City Local Government ang pamamahagi nito ng 301 condominium units sa ilalim ng rental housing program ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD).
Itinakda ngayong Miyerkules, March 26, 2025 ang public raffle na mapapanood nang live sa Facebook page ng HCDRD mamayang alas-2 ng hapon.
Ang mga mapipiling benepisyaryo ay tatanggap ng unit sa QCitizen Homes Urban Deca Housing project na matatagpuan sa Litex, Barangay Commonwealth.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ginawang live public draw ang proseso para matiyak na malinaw at patas ang proseso, at upang mabigyan ng pantay na pagkakataon ang bawat aplikante na makakatanggap ng pabahay.
Ito ang unang pagkakataon na nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa pribadong estate developers upang makakuha ng pabahay para sa mga residente.
Ang proyekto ay binubuo ng apat na high-rise buildings na may kabuuang 2,699 yunit, kabilang ang studio units, pati na rin ang one, two, at three-bedroom units. Mayroon din itong malawak na paradahan na may 505 slots para sa mga motorsiklo at sasakyan.
Batay naman sa datos ng HCDRD, may kabuuang 8,725 kwalipikadong benepisyaryo ang may pagkakataong mabigyan ng unit sa raffle. Kabilang dito ang 751 solo parents, 189 solo parent government workers, 6,174 QCitizens at 1,611 government employees. | ulat ni Merry Ann Bastasa