Panibagong grupo ng mga pangalan ang inilabas ni House Deputy Majority leader Paolo Ortega na may kinalaman pa rin sa umano’y maling paggamit ng ₱500 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Binansagan naman ito bilang “Team Grocery” dahil sa ang mga pangalan ay tila mga grocery items.
Kabilang dito sina “Beverly Claire Pampano,” “Mico Harina,” “Patty Ting,” “Ralph Josh Bacon,” at “Sala Casim.”
“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin. Kung hindi sila totoong tao, nasaan napunta ang pondo?” ani Ortega.
Tulad ng naunang mga pangalan, lalo na ang sikat na si Mary Grace Piattos, wala rin silang record ng kapanganakan, kasal, o pagkamatay sa Philippine Statistics Authority.
Kaya para sa mambabatas, malinaw na sinadya ang “grocery list” na ito para lang masabi na may pinaggamitan ang confidential funds.
Diin ng kinatawan na hind ito ang unang beses na may nakitang katawa-tawa o kakaibang pangalan.
Ang nakakalungkot aniya ay tila madaragdagan pa ito sa gitna ng patuloy na paghahanda ng prosekusyon sa impeachment trial.
“Typo ba ito? Mukhang may effort na talagang mag-imbento ng listahan para pagtakpan kung saan dinala ang pondo,” ani Ortega. | ulat ni Kathleen Jean Forbes