Isiniwalat ni Senadora Risa Hontiveros sa pagdinig sa Senado ang isang modus ng human trafficking na nambibiktima ng mga Pilipino.
Sa impormasyong nakuha ni Hontiveros, ginagamit ng isang sindikato ang mga social media ads na kunwari ay pa-contest para makakuha ng all-expense trip sa bansang Thailand.
Pero ang mga kunwaring nanalo, sa halip na bakasyon sa Thailand, ay dinadala sa mga scam hub sa Myanmar at sapilitang pinagtatrabaho doon.
Ayon sa senadora, kinukulong sa isang compound sa Myawaddy, Myanmar ang mga biktima, at kapag umalma ay binubugbog at inaabuso sila. Ang masaklap pa, ang mga babaeng biktima ay ginagahasa.
Kinumpirma rin ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang crackdown sa mga ganitong ilegal na gawain sa Thailand at Myanmar.
Samantala, nangako naman ang IACAT at ang Bureau of Immigration na imo-monitor ang ganitong bagong modus at tutulungan ang mga biktima. | ulat ni Nimfa Asuncion