Pinag-aaralan na ng Police Regional Office-3 na irekomenda sa Commission on Elections (COMELEC) na maisama na sa Election Areas of Concern ang bayan ng San Rafael sa lalawigan ng Bulacan.
Kasunod na rin iyan ng insidente ng pamamaril sa lugar noong isang linggo kung saan, tatlong indibidwal na sakay ng SUV ang nasawi matapos pagbabarilin ng suspek na nakasakay din sa isa pang SUV.
Ayon kay Central Luzon PNP Director, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, kasama sa mga sinisilip ay ang posibilidad na may kaugnayan sa politika ang nangyaring pananambang.
Kasama kasi aniya sa mga nabiktima ay nagtatrabaho bilang IT Consultant ng isang kilalang politiko sa Bulacan.
Una rito, bumuo na ng isang Special Investigation Team ang PNP Region 3 para tutukan at resolbahin ang kaso.
Muli namang umapila si Fajardo sa mga may nalalaman sa insidente na agad makipagtulungan sa kanila upang bigyan ng hustisya ang mga biktima.
Umiiral din ang ₱2 milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek. | ulat ni Jaymark Dagala