Pinalakas ng Bureau of Immigration (BI), katuwang ang United Nations Office of Counter-Terrorism (UNOCT), ang kakayahan ng bansa sa border security sa pamamagitan ng tatlong-araw na goTravel Basic User Training na isinagawa sa Taguig City.
Ang pagsasanay ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang pambansang seguridad sa pamamagitan ng digital transformation. Bahagi ito ng United Nations Countering Terrorist Travel Programme na naglalayong pigilan ang paggalaw ng mga terorista at malalaking kriminal gamit ang Advance Passenger Information (API) at Passenger Name Record (PNR) data.
Sinanay ang mga tauhan ng BI mula sa iba’t ibang operational units sa paggamit ng goTravel Targeting Solution — isang makabagong teknolohiya para sa watchlisting, historical searches, at risk-based passenger assessment. Pinahusay din ang kanilang kakayahan sa paggamit ng API data para sa mas mabilis na border control habang pinapanatili ang episyenteng pagproseso ng mga lehitimong biyahero.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, malaking tulong ang programa upang mapahusay ang kakayahan ng ahensya sa maagang pagsusuri ng mga pasahero at pagpapatupad ng mas maayos na seguridad. Dagdag pa niya, ang goTravel software ay mahalagang bahagi ng Advance Passenger Information System (APIS) na kamakailan lamang inilunsad para sa mas mabilis na pre-arrival screening. | ulat ni EJ Lazaro