Muling pinatunayan ng Barangay Post Proper Southside ang kanilang husay matapos makuha ang back-to-back championship sa 11th Taguig City Fire Olympics 2025.

Ginanap ang dalawang araw na kompetisyon noong Marso 20-21 sa TLC Park Concert Grounds bilang bahagi ng Fire Prevention Month. Pinangunahan ito ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang patatagin ang kakayahan ng mga barangay emergency teams sa iba’t ibang fire at rescue challenges.
Sa matinding laban, nangibabaw ang Post Proper Southside sa Blitz Attack with Raising Ladder at Hose-Throwing Challenge, dahilan para muling masungkit ang kampeonato. Samantala, iba pang barangay ang nagpakitang-gilas sa iba’t ibang kategorya, kabilang ang Barangay Rizal, Bagumbayan, at Tuktukan sa Hose-Laying and Busted Hose Replacement.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Lani Cayetano na hindi lang ito isang paligsahan kundi isang mahalagang pagsasanay upang mapabuti ang emergency response ng lungsod.
Ayon naman sa mga miyembro ng Barangay Emergency Response Team ng Post Proper Southside, hindi biro ang kanilang pagsasanay, pero sulit ang lahat ng pagod sa kanilang tagumpay. | ulat ni Lorenz Tanjoco
