Bilang paghahanda sa tag-init, ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang madaliang pagbili ng “sando” para sa mga persons deprived of liberty (PDLs), upang maiwasan ang sakit na dulot ng mataas na heat index.
Kasabay nito, tiniyak rin niya ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa lahat ng pasilidad ng BuCor.
Samantala, inatasan ni OIC-Deputy Director General for Reformation Ma. Cecilia Villanueva ang mga hepe ng health services sa lahat ng piitan, na magbantay at agad mag-ulat ng ano mang kaso ng heat-related illnesses sa loob ng 24 oras.
Nagpaalala rin ang BuCor sa mga PDL at kawani tungkol sa mga karaniwang sakit tuwing tag-init gaya ng heat stroke, sore eyes, sakit sa tiyan, at skin diseases, kasabay ng pagpapatupad ng health tips mula sa Department of Health.
Patuloy na mino-monitor ng BuCor ang sitwasyon, upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga PDL ngayong papalapit ang matinding init ng panahon. | ulat ni Lorenz Tanjoco