Nakitaan na ng iba’t ibang problema ang bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela mula 2018 hanggang 2020 ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Cayetano na ginawan na ng report ng mga naging project engineer, iba pang officer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Audit (COA) ang mga nakitang bitak, natanggal na mga bolts, na-deform na mga steel beams, lumuwag na mga kable at iba pang structural integrity issues ng tulay.
Gayunpaman, hindi aniya pinansin ng nakakataas sa DPWH ang naturang report.
Tugon naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, wala na sa DPWH ang karamihan sa mga may kinalaman sa pagpapatayo ng bumagsak na tulay.
Sinabi rin ni Bonoan na hindi nainspeksyon ang tulay bago binuksan dahil hindi pa ito naitu-turn over ng mga contractor sa gobyerno.
Pinunto rin ng kalihim na unang beses ang ganitong disenyo ng tulay sa bansa.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pag-iimbestiga ng binuong special committee tungkol sa insidente at nakatakda nilang ilabas ang report ng imbestigasyon sa April 25. | ulat ni Melany Valdoz Reyes