Magtatatag ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng isang espesyal na task force na tututok sa pag-audit ng mga social media influencers upang tiyakin ang kanilang pagsunod sa tax registration at pagbabayad ng buwis.
Ito ay kinumpirma ni Atty. Ron Mikhail Uy, kinatawan ng BIR sa Tri-Committee hearing, bilang tugon sa tanong ni Antipolo City Rep. Romeo Acop.
Ayon kay Acop, inatasan ng komite ang BIR na magsumite ng talaan ng mga social media content creators na binuwisan ng ahensya at kung magkano ang kanilang nabayarang buwis.
Ayon kay Uy, nakalikha na ang BIR ng isang specialized body… isang task force na naka-focus sa imbestigasyon ng mga social media influencers at sa pag-isyu ng letters of authority para sa mas malalim na tax audit.
Dagdag pa ni Uy, binigyan na sila ng komite ng listahan ng 27 influencers upang simulan ang imbestigasyon. Gayunpaman, inilahad din niya ang ilang hamon sa pagtukoy sa mga tamang indibidwal. | ulat ni Melany Reyes