Matagumpay na nalansag ng Philippine National Police (PNP) ang isang gun running syndicate bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra loose firearms ngayong papalapit na ang #HatolNgBayan2025 sa May 12.
Sa ulat ni Police Regional 7 Director, PBGen. Redrico Maranan sa Kampo Crame, naaresto ang tatlong indibidwal na kasapakat ng isang dating opisyal ng Brgy. Suba sa Danao City sa Cebu na tinutugis pa rin hanggang ngayon.

Nakilala ang mga naaresto na sina Requerod Ambrad Durano Jr., Crispin Aloba Desabille, at Troy Raya Roland Caranoo habang patuloy na pinaghahanap si Requerod Moreno Durano Sr. na dating konsehal ng naturang barangay.
Nakuha sa kanila ang tatlong unit ng kalibre 45 pistola at mga magazine; isang unassembled na unit ng KG9 machine pistol, at isang unassembled unit ng Black Widow na 9mm pistol.
Ayon kay Maranan, ikinasa ang buy-bust operation sa nabanggit na lungsod dahil sa mga ulat ng umano’y iligal na pagbebenta ng mga hindi lisensyadong armas ng naturang grupo. | ulat ni Jaymark Dagala

