Nakipagtulungan na ang Commission on Higher Education (CHED) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para maprayoridad ang mahihirap at kapus-palad na estudyante sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (SUCs) at ang kanilang mga pamilya sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Kasunod ito ng paglagda sa isang memorandum of understanding (MOU) nina CHED Secretary Popoy De Vera at PhilHealth President Edwin Mercado.

Nakapaloob dito ang pagsasama ng coverage ng PhilHealth sa mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED-UniFAST, pati na rin ang paggamit sa SUCs bilang contact centers para sa serbisyong pangkalusugan.
Sa ilalim ng kasunduan, tinatayang makikinabang ang humigit-kumulang 500,000 benepisyaryo ng CHED-UniFAST TES at TDP, na kabilang sa pinakamahihirap na pamilya at pasok sa Listahanan ng DSWD.
Bukod sa pagkakataong makapagparehistro sa PhilHealth, magkakaroon din ang mga benepisyaryo ng access sa programang Konsultasyong Sulit at Tama ng PhilHealth. | ulat ni Merry Ann Bastasa
CHED
