Inilunsad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang programang ‘Juana Tech’, katuwang ang ilang non-government organizations.
Mahigit 100 kalahok mula sa iba’t ibang sektor ang dumalo sa paglulunsad nito sa National Cybercrime Hub sa Bonifacio Global City.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Month, layunin ng programa na bigyan ng sapat na kaalaman ang kababaihan upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa mga panganib sa online world.
Kasama sa kanilang mga pagsasanay ang paggawa ng website, content production, at cyber safety.
Target din ng programa na maabot ang iba’t ibang sektor tulad ng mga negosyante, akademiya, at lokal na pamahalaan upang mapalawak ang digital literacy sa bansa.
Malaking benepisyo rin ito sa mga guro na walang access sa digital training at makatutulong sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon.
Kasama rin sa kampanya ang pagpapalaganap ng apat na anti-scam na pag-uugali — ang pagiging maingat, mapanuri, hindi basta-basta nagtitiwala, at ang agarang pagre-report ng kahina-hinalang online activities.
Bukod dito, tinalakay din sa programa ang mga isyu gaya ng cyberbullying, digital empowerment ng kababaihan, at iba pang kaugnay na usapin sa online security.
Dumalo rin sa event ang mga kinatawan mula sa PNP, National Authority on Child Care, STI College, at Converge ICT bilang suporta sa layunin ng digital literacy.
Ayon sa UNESCO, mahalaga ang digital literacy sa epektibong paggamit ng teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay. Bahagi ito ng Sustainable Development Goals ng UN na naglalayong palakasin ang kakayahan ng bawat indibidwal sa digital world. | ulat ni Lorenz Tanjoco