Hinikayat ng Commission on Election ang mga Filipino artist na magsampa ng reklamo laban sa mga iligal na gagamit ng kanilang kanta sa pangangampanya.
Sa panahon ng kampanya kadalasan ginagamit, ginagaya, at binabago ang bersyon ng kanta upang magamit ng kandidato sa campaign jingle.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, pwedeng maghain ng pormal na reklamo ang Filipino band na Lola Amour.
Sa social media post ng banda, sinasabing marami na umanong gumagamit ng kanilang mga kanta para sa kampanya nang hindi nagpapaalam.
Ayon kay Garcia, ang naturang reklamo ang magiging batayan ng kanilang aksyon para gumulong ang kaso.
Matatandaang lumagda ng kasunduan ang COMELEC at ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL)
na layong masigurong mabibigyang respeto ng mga kandidato ang intellectual property rights sa panahon ng kampanya.
Binigyang-diin ng Lola Amour na hindi sila mag-eendorso ng kandidato kung wala silang tiwala o hindi nila alam ang mga plataporma. | ulat ni Don King Zarate