Nakamonitor na ang Department of Agriculture sa napaulat na tumataas na presyuhan ngayon ng itlog sa merkado.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, bineberipika nila ang naitalang sakit sa ilang layer chicken sa Central at Southern Luzon na posibleng nakaapekto sa suplay ng itlog.
Tinukoy nito ang mga sakit na inclusion body hepatitis (IBH) at Infectious laryngotracheitis na iniulat sa ilang poulty farms.
Dahil dito, hindi umano umabot sa inaasahang 90% ang output o mga itlog mula sa mga farm.
Tiniyak naman ni De Mesa na hindi dapat ikaalarma ang nga natukoy na sakit dahil madali itong makontrol.
Batay sa monitoring ng DA Bantay Presyo, naglalaro sa P8.15 ang average retail price sa kada piraso ng medium sized na itlog habang ang pinakamahal sa ngayon ay nasa P9.00. | ulat ni Merry Ann Bastasa