Pinag-aaralan na rin ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mga hakbang para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng imported na bawang sa palengke.
Sa pag-iikot ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa Mega Q Mart, na-monitor nito na umaabot sa hanggang P140 to P150 ang presyo ng kada kilo ng bawang, na dapat ay nasa P100 to P110 lamang.
Ayon sa kalihim, pinabubusisi na nito ang mga impormasyon kung may nananamantala ba sa presyuhan, at sunod na pupulungin ang stakeholders kabilang ang garlic importers.
Kung hindi naman aniya madadaan sa diyalogo ay ikukonsidera ng DA ang posibilidad na maglagay rin ng MSRP sa bawang, para makontrol ang presyuhan nito.
Kaugnay nito, ay gumagawa na rin umano ng hakbang ngayon ang DA para mapalakas din ang produksyon ng lokal na bawang sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa