Makikipagpulong muli ngayong hapon ang Department of Agriculture (DA) sa mga pork trader kaugnay sa usapin ng maximum suggested retail price (MSRP) sa karneng baboy.
Sa harap ito ng nananatiling mataas pa ring bentahan ng baboy sa ilang palengke, kung saan ang liempo ay umaabot pa rin sa P400 kada kilo na malayo sa MSRP nito na dapat ay nasa P380 lamang kada kilo.
Ikinadidismaya rin ni Agri Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., na hindi pa din sumusunod ang lahat sa itinakdang farmgate price ng baboy.
Giit nito, walang dahilan para hindi sumunod sa MSRP ang industriya dahil may kita naman na kahit pairalin ang MSRP.
Kung hindi naman madadaan sa pakiusapan ay plano ng DA na magpataw na ng parusa sa mga magpupumilit pa ring hindi sumunod sa MSRP.
Isa pa sa opsyong pinag-aaralan ng kalihim ang paghingi ng tulong sa Kongreso para maimbestigahan ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa