Ipinag-utos na ng Philippine National Police (PNP) ang pagdagdag ng mga pulis sa mga lugar na itinuturing na areas of concern sa pagsisimula ng kampanya para sa lokal na halalan.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, layon nitong matiyak na walang kaguluhang mangyayari sa panahon ng kampanya, lalo na sa mga liblib na lugar at sa mga may matinding labanan sa politika.
Dahil magsisimula ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato mula March 28 hanggang May 10, inatasan ni Marbil ang lahat ng regional, provincial, city, at municipal police commanders na pangunahan ang pagpapanatili ng mapayapa at maayos na halalan.
Binalaan din ni Marbil ang sinumang magtatangkang manakot, manggulo, o gumamit ng dahas para sa pansariling interes na haharapin nila ang buong bigat ng batas.
Kasabay nito, nagbabala rin ang PNP Chief sa mga pulis na masasangkot sa partisan politics na mahaharap sa kaukulang parusa. Hinikayat din niya ang mga kandidato at kanilang tagasuporta na sumunod sa batas at umiwas sa anumang uri ng karahasan. | ulat ni Diane Lear