Bilang patuloy na pagsulong ng karapatang pantao at social justice, nais ni dating Senator Leila De Lima na bumuo ng isang EJK Victim Compensation Fund.
Giit ni De Lima, na ipinakulong noong nakaraang Duterte Administration dahil sa gawa-gawang kaso ng pagkakasangkot umano sa illegal na droga, matutulungan nito ang mga pamilyang naulila dahil sa madugong giyera kontra illegal na droga ng nakaraang administrasyon.
“Layunin nitong magbigay ng suporta at kalinga sa mga pamilyang naulila at nawalan dahil sa mga walang habas na pagpatay sa ilalim ng nakaraang administrasyon,” sabi ni De Lima.
Ikinalugod din ni De Lima ang pag-usad ng pananagutan ng dating pangulo sa ICC, ngunit nagbabala na maaaring guluhin ito ng mga kaalyado at taga-suporta ng dating presidente.
Gayunman, pagsiguro niya sa mga naging biktima ng war on drugs katulad niya na hindi sila nag-iisa at may kasama sila sa paghahanap ng katarungan at hustisya. | ulat ni Kathleen Forbes