Bilang bahagi ng patuloy na decongestion plan ng Bureau of Corrections (BuCor), panibagong batch ng 500 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang inilipat mula sa New Bilibid Prison (NBP) patungong San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga kahapon, March 16.
Sa bilang na ito, 56 ang mula sa Maximum Security Camp, habang 444 naman ang galing sa Medium Security Camp ng NBP.
Pinangunahan ni Chief Inspector Henry Avila at 141 escorts ang ligtas na paglilipat ng mga PDL na umalis sa NBP bandang 2:45 ng hapon at naglakbay patungong Manila Port bago sumakay ng barko patungong Zamboanga.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., layunin ng hakbang na ito na bawasan ang pagsisikip sa NBP at mapabuti ang rehabilitasyon ng mga PDL.
Bahagi ito ng mas malawak na plano ng ahensya para sa reporma sa mga piitan.
Sa darating na Abril, nakatakdang ilipat ang karagdagang 1,000 PDLs sa iba’t ibang penal farms — 300 sa Palawan, 400 sa Sablayan, at 300 sa Davao. Ang hakbang na ito ay patungo sa tuluyang pagsasara ng NBP sa 2028, isang malaking hakbang sa reporma sa correctional system ng bansa.
Ayon kay Catapang, ang Bagong BuCor sa Bagong Pilipinas ay naglalayong gawing ‘rehabilitative’ kaysa ‘punitive’ ang correctional system sa bansa kasabay ng pagpapabuti ng seguridad at kapakanan ng mga PDL. | ulat ni Lorenz Tanjoco
