Nanawagan si Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. para sa mas matibay na depensa at mas epektibong pakikipag-ugnayan sa rehiyon.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo ng Western Command (WESCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp General Artemio Ricarte sa Puerto Princesa.
Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Teodoro ang WESCOM sa kanilang walang sawang pagsisikap sa pagbabantay sa West Philippine Sea. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng militar, gobyerno, at mamamayang Pilipino upang mapanatili ang soberanya at karapatan ng bansa sa nasabing teritoryo.
Ipinunto rin ng kalihim na ang WESCOM ay may mahalagang papel sa pagpapatupad ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, na naglalayong bumuo ng isang modernisado at mas epektibong sandatahang lakas.
Kasabay ng pagdiriwang, isinagawa ang pagbabasbas ng mga bagong kagamitan ng AFP bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng militar. Ginawaran din ng pagkilala ang mga natatanging sundalo bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa serbisyo. | ulat ni Diane Lear