Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa mga opisyal at kawani ng paaralan na hindi pinapayagan ang anumang uri ng political campaign sa nalalapit na graduation at moving-up ceremonies ng mga mag-aaral.
Sa Memorandum No. 027, s. 2025, na may petsang March 21 na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng propesyonalismo sa sektor ng edukasyon, lalo na papalapit ang 2025 National and Local Elections.
Dahil dito, pinaalalahanan ang lahat ng nasa sektor ng edukasyon na iwasan ang electioneering o anumang partisan political activities sa mga seremonya.
Alinsunod ito sa DepEd Order No. 048, s. 2018, na nagbabawal sa mga opisyal, guro, at non-teaching personnel ng DepEd na makisali sa ganitong gawain.
Ipinunto rin ng DepEd na ang mga seremonya ay dapat maging simple ngunit makabuluhan. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pangongolekta ng bayad o kontribusyon mula sa mga mag-aaral at kanilang pamilya para sa mga naturang okasyon.
Ang End-of-School-Year Rites para sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, Grade 12, at Alternative Learning System ay nakatakdang ganapin sa April 14 at 15. | ulat ni Diane Lear