Isinusulong ni Alyansa senatorial candidate at Deputy Majority leader Erwin Tulfo na sagutin na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang hospital bill ng mga overseas Filipino workers (OFW) at kanilang pamilya.
Giit ng mambabatas, paraan ito ng pagtanaw sa sakripisyo at pagtulong sa ekonomiya ng bansa ng mga OFW.
Aniya, malaking kabawasan ito sa gastusin ng OFWs lalo na yung mga domestic helper, manual laborer, at yung mga may mababang sahod sa ibang bansa.
“Kahit kalahati man lang ng kanilang hospital bill ang sagutin ng PhilHealth at sa kahit anong uri ng sakit ay malaking bagay na, paano pa kung gawing zero billing ang kanilang bayarin kapag nagkasakit sila o ang kanilang pamilya?” ani Tulfo.
Sa ngayon, ilang bahagi lang ng hospital bill ang sagot ng PhilHealth para sa lahat ng miyembro at para sa ilang mga piling sakit lang, kaya hindi aniya naiiwasan ang mga out-of-pocket expenses.
Ito aniya ang isa sa mga kahilingan ng mga OFW na kaniyang nakasalamuha nang magtungo siya sa Paris, France noong nakaraang linggo para sa Barrio Fiesta 2025. | ulat ni Kathleen Forbes