Malaki ang pasasalamat ni Representative Marissa Magsino sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) na ideklarang labag sa Saligang Batas ang isang probisyon ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018.
Partikular dito ang compulsory SSS coverage ng lahat ng OFWs, land o sea-based man kung ang kanilang host country ay walang Social Security o Bilateral Labor Agreement (BLA) sa Pilipinas.
Para kasi makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) na kailangan nila para makaalis ng bansa ay kailangan muna nila magbayad ng SSS contribution.
Ani Magsino, ang nasabing probisyon sa IRR ay labag sa karapatan ng OFWs na maglakbay.
Maituturing aniyang tagumpay para sa mga migranteng manggagawa ang pagsasawalang-bisa nito.
“Kinikilala natin ang kahalagahan ng SSS contributions para sa seguridad ng ating mga manggagawa, ngunit hindi ito dapat ipataw sa paraang lalong magpapahirap sa kanila. Malinaw sa atin na ang sapilitang pagbabayad ay dagdag-pabigat sa mga aalis pa lamang na OFWs, na kung minsan ay nangungutang pa para mapondohan ang kanilang paglalakbay,” pahayag ni Magsino.
Giit pa niya na ang dapat isulong sa IRR ng batas ay ang mga mekanismo na titiyak at magpapabilis sa pagkuha ng SSS benefits ng mga OFW. | ulat ni Kathleen Forbes