Nais ni Quad Comm co-chair Joseph Stephen Paduano na paharapin sa susunod na pagdinig ng komite ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration (BI).
Ito ay para maipaliwanag nila kung paanong sa kabila ng contempt at detention order ng Kamara para kay dating presidential spokesperson Harry Roque ay nakalabas ito ng bansa, at kasama pa ni Vice President Sara Duterte sa The Hague, Netherlands.
Mahalaga aniyang malaman kung anong pasaporte ang ginamit ni Roque kung bakit hindi siya natunton, at saang bansa siya dumaan bago makarating ng The Netherlands.
Ipapa-aral din nila sa legal department kung maaari bang kanselahin ang pasaporte ni Roque.
Pina-contempt ng Quad Comm si Roque matapos na hindi dumalo sa mga pagdinig, at hindi rin nagsumite ng mga hinihinging dokumento na nauna na niyang ipinangako na ibibigay sa komite, na may kaugnayan sa kumpanya ng kaniyang pamilya na iniuugnay sa POGO. | ulat ni Kathleen Forbes