Pinaghihinay-hinay ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nagbabalak na huwag magpadala ng remittance sa kanilang pamilya dahil sa isyung politikal.
Ito ang inihayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac kasunod ng paalala hinggil sa epektong maaaring idulot ng nasabing hakbang sa pamilya ng mga OFW na nagbabalak gawin ito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cacdac na bilang anak ng OFW, batid niya ang bawat hirap na dinaranas ng mga Pilipinong nawawalay sa kanilang pamilya, mabigyan lamang ito ng magandang bukas.
Kaya naman pinayuhan ng kalihim ang mga OFW na maging mahinahon sa pagpapasya tungkol dito lalo’t ang tatamaan nito ay ang kani-kanila mismong pamilya.
Kasunod nito, tiniyak ni Cacdac sa mga OFW na patuloy ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan para sa kanila gaya na lamang ng tulong mula sa AKSYON Fund kung saan, aabot na sa 86,000 ang nakinabang dito noong isang taon. | ulat ni Jaymark Dagala