Binibigyang babala ng Department of Health (DOH) ang publiko ukol sa patuloy na pagtaas ng kaso ng measles-rubella sa bansa.
Ayon sa DOH, umabot na sa 922 ang naitalang kaso ng tigdas-rubella mula Enero 1 hanggang Marso 1 ngayong taon—35% mas mataas kumpara sa 683 kaso noong parehong panahon noong 2024.
Kabilang sa mga rehiyong may pagtaas ng kaso ay ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos, Bicol, Western Visayas, at Soccsksargen.
Lumabas din sa ulat na 68% o 625 sa mga nagkasakit ay hindi nabakunahan.
Paalala ng DOH, maaaring humantong sa malulubhang komplikasyon gaya ng pulmonya, impeksyon sa utak, at kamatayan ang tigdas, lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Kaya naman patuloy ang paghimok ng DOH na pabakunahan ang mga batang edad dalawang taong gulang pababa bilang pang-iwas sa measles-rubella.
Bukod sa pagbabakuna, ipinaalala rin ng DOH ang kahalagahan ng mabuting kalinisan—regular na paghuhugas ng kamay, tamang pagtakip sa pag-ubo, pagsusuot ng face mask, at pagpapanatili ng malinis na kapaligiran—upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. | ulat ni EJ Lazaro