Umaasa ang ilang mga biktima ng extrajudicial killings ng nakaraang administrasyon na hindi magtatapos sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paggulong ng hustisya.
Ayon sa ilang mga biktima, dapat managot din ang ibang opisyal na nagpapatakbo ng drug war ng nakaraang administrasyon.
Partikular na rito sina Senator Bato dela Rosa na noo’y hepe ng Philippine National Police at si dating PNP Chief Oscar Albayalde.
Bagama’t aminado ang mga kamag-anak na matagal ang proseso ng paglilitis, naniniwala sila na isang malaking hakbang ang pag-aresto kay Duterte upang makamit ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Bukod sa batas sa Pilipinas na hahabol sa iba pang kasabwat, andiyan din ang ICC na inaasahan ng mga pamilya na namatayan noong war on drugs.
Umaasa sila na pati si Bato ay mabibigyan ng warrant of arrest ng ICC.
Kinalampag din nila ang Department of Justice (DOJ) na una nang bumuo ng Task Force on EJK noong nakaraang taon para tukuyin ang mga nasa likod ng mga pagpatay sa war on drugs, magsagawa ng case build-up at magsampa ng kaukulang reklamo. | ulat ni DK Zarate